Isinasagawa ngayon ang search and rescue operation para sa isang 23-anyos na kadeteng iniulat na nawawala matapos umanong tumalon mula sa isang pampasaherong barko noong gabi ng Linggo, Hulyo 27, habang naglalayag malapit sa karagatan ng Oriental Mindoro.
Batay sa paunang ulat, pinaniniwalaang tumalon sa dagat ang kadete mula sa barkong M/V Blessed Sea Journey, pagmamay-ari ng JVS Sea Transport, Inc., bago maghatinggabi habang papunta ito ng Coron mula Maynila.
“Agad pong nagsagawa ng search and rescue operation ang Coast Guard Station Oriental Mindoro, Coast Guard Substation Calapan, Special Operations Unit-STL, at PDRRMO Oriental Mindoro sa pamamagitan ng sea ambulance,” ayon sa pahayag ng Coast Guard sa Oriental Mindoro noong Lunes.
Ayon pa sa kanila, alerto na rin ang mga baybaying barangay sa bayan ng Naujan upang matulungan kung sakaling anurin sa pampang ang nawawala.
“Patuloy po ang aming pagmamanman sa sitwasyon at koordinasyon sa mga kaugnay na ahensya para sa karagdagang update,” dagdag ng Coast Guard.
Kinilala ng Philippine Coast Guard ang nawawala bilang si Usman Abela, residente ng Agutaya, Palawan.



