Isang krisis sa gastusin sa pamumuhay at isang pamahalaang tila manhid sa hirap ng karaniwang tao ang nagpasiklab ng galit ng publiko.
Mula pa noong huling bahagi ng Agosto, sunod-sunod ang mga demonstrasyon sa Indonesia matapos sumiklab ang galit sa humihinang ekonomiya at tuluyang nauwi sa marahas na kilos-protesta nang lumabas ang ulat na tumanggap umano ng $3,000 housing allowance ang mga politiko bukod pa sa kanilang suweldo — isang benepisyong katumbas ng 10 hanggang 20 ulit ng buwanang minimum wage sa bansa.
Noong Pebrero at Marso, nagdaos ng kilos-protesta ang mga estudyante laban sa iba’t ibang hindi popular na patakaran ng gobyerno, kabilang ang pagbabawas sa pambansang badyet at ang panukalang batas na magpapalawak ng papel ng militar sa usaping pampulitika.
Habang nagpapatuloy ang pinakabagong bugso ng mga kilos-protesta sa buong Indonesia — kabilang ang sa mga isla ng Java, Sumatra, Sulawesi at Kalimantan — nakausap ng Al Jazeera ang limang Indones upang alamin ang mga isyung nagpasiklab ng mga pagkilos at kung ano ang kailangang baguhin sa kanilang bansang may higit sa 283 milyong mamamayan.

Pagkamatay ng isang food delivery driver
Umabot sa sukdulan ang galit noong huling bahagi ng Agosto nang masagasaan at mapatay ng isang sasakyan ng pulis ang 21-anyos na motorcycle delivery driver na si Affan Kurniawan sa gitna ng protesta sa kabisera, Jakarta.
Ayon sa ulat, hindi kasali si Kurniawan sa kilos-protesta kundi tinatapos lamang ang isang order sa food delivery nang siya ay masawi.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ang ilang pulis kaugnay ng kanyang pagkamatay at isa sa kanila ang natanggal na sa posisyon. Hindi ito ang unang pagkakataon ngayong taon na lumabas sa lansangan ang mga Indones.
Ang mga food delivery driver, na laganap sa Indonesia, ay nakikita bilang simbolo ng kakulangan ng disenteng oportunidad sa trabaho sa bansa at paalala ng mababang pasahod sa “gig economy,” kung saan madalas abusuhin ang mga manggagawa sa ekonomiya at itaboy sa gilid ng lipunan.

Sa kabila ng dinaranas na hirap ng karaniwang mamamayan, itinulak pa rin ng House of Representatives ng Indonesia ang kahilingan para sa 50 milyong rupiah na housing allowance kada buwan, katumbas ng humigit-kumulang $3,000, ayon kay Imran.
Si Imran, isang food delivery driver mula Langkat sa North Sumatra, ay nagsabi sa Al Jazeera na ang “hindi pagkakapantay-pantay” ang ugat ng malawakang kilos-protesta na yumanig sa bansa.
“Kabilang dito ang hindi pagkakapantay-pantay sa ekonomiya, edukasyon, kalusugan, at hindi patas na serbisyong panlipunan,” ani Imran sa Al Jazeera.
Source: Al Jazeera



